Bilang bahagi Project Maria Livelihood Training na isinasagawa para sa grupo ng mga kababaihan ng Barangay Pingit, Baler, Aurora, nagkaloob ng packaging and labelling training ang Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) para samahan upang magkaroon ng pakakakilanlan at maayos na package ang kanilang mga produkto gaya ng banana chips, banana ketchup, banana wine at banana jam. Kasama sa pagsasanay ang mga alituntunin sa paglalagay ng mga label kagaya ng expiration date at best before seal upang mabigyan ng kaalaman ang mga mamimili patungkol sa produktong ibinebenta. Layunin dito ng training na ito na mabigyan ng magandang pagkakakilanlan ang produkto ng mga kababaihan na ngayon ay nagsisimula na sa kanilang negosyo. Nauna ng isinagawa ang training para sa paggawa ng jam, wine, chips at ketchup noong nakalipas na linggo na labis na ikinatuwa ng mga grupo ng kababaihan dahil maari na sila magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan na maari nilang gawin sa kani-kaniyang bahay. Sa kasalukuyan ay nagsisimula na magbenta ang grupo ng mga banana chips. Anila, malaking tulong para sa kanila ang proyektong ito sapagkat karamihan sa mga miyembro nito ay naghahanap ng dagdag kita upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya. Bukod sa livelihood training, nagkaloob din ang ASKI Foundation ng mga makinang panahi sa naturang grupo noong 2018 para naman sa kanilang negosyong tahian.